Halimbawa ng Tagalog na Tula
NARITO KANG NAKANGITI
(Example of published Filipino poem in the Philippines)
Under the category: Philippine Poetry
Narito kang nakangiti,
Magandang tala sa gabi,
Namukod kang tumatangi,
Sa tumpok ng binibini.
Ang buhok mong may pantali
Ang pandugtong ko sa pisi,
Ng buhay kong umiiksi
Na pigtas ding dumadali.
Ang matang may pagkalipi
Walang muwang ng aglahi
Ang tulay kong tinatangi
Tinawid kong mabusisi.
Ang pula ng mga pisngi,
Ginagawa kong pansindi
Sa ilawang nangapundi
Sa anag-ag nitong gabi.
Ang ilong mo ang panghabi
Sa pangarap at lunggati,
Na tila nga bumubuti
Sa tamlay ng mga huni.
Tainga naman ang susi,
Sa saradong mga muni
Binubuksan mo ang saksi,
Na makita ang sarili.
Ang labi mo ang kiliti,
Sa luha ko at pighati,
Halakhak din sa humikbi
Na galak na bumabati.
Sa dungis ko’t mga dumi
Ang balat mo ang pangwaksi
At saka nagpapaputi
Sa kutim nitong pusali.
Ang puso mo ang panlapi
Sa hinga ko ay kasapi,
Na lagi nang pumipiksi,
Sa iglap na lumiliksi!
Tags: halimbawa ng mga tula sa tagalog, Filipino poems, Philippine poetry, 8 pantig sa bawat taludtod, tula in tagalog, saknong kahulugan, tagalog love poems, maikling tula sa Pilipinas, tula tungkol sa pag-ibig.